Layunin ng Lungsod at County ng San Francisco na protektahan ang integridad ng mga institusyon nito sa pamahalaan. Para magawa ito, ang batas ng Lungsod ay may proseso para sa pag-uulat ng hindi naaangkop na aktibidad ng pamahalaan, at ng karagdagang proseso para sa pagprotekta ng mga whistleblower mula sa paghihiganti kaugnay ng pag-uulat ng nasabing aktibidad. Ang mga proteksyon sa whistleblower ay nalalapat sa mga opisyal at empleyado ng Lungsod na maghahain ng mga reklamo para sa imbestigasyon sa mga partikular na na-enumerate na departamento ng Lungsod (at sa mga makikipagtulungan sa mga resultang imbestigasyon), at sa mga contractor at empleyado ng Lungsod na naghahain ng mga reklamo sa sinumang supervisor ng Lungsod (at sa mga makikipagtulungan sa mga resultang imbestiasyon). Ang whistleblowing ay isang “pinoprotektahang aktibidad.”
Mga Nilalaman
Ipinagbabawal ang Paghihiganti
Ang Ordinansa sa Pagprotekta ng Whistleblower ay nagbabawal sa isang opisyal o empleyado ng Lungsod na magsagawa ng hindi kanais-nais na pagkilos laban sa isang indibidwal na nakibahagi sa isang pinoprotektahang aktibidad, kung saan ang pinoprotektahang aktibidad ng nasabing indibidwal ay isang salik na lubos na nakaimpluwensya sa hindi kanais-nais na pagkilos.
Paghihiganti sa Isang Opisyal o Empleyado ng Lungsod
Sa usapin ng paghihiganti laban sa isang opisyal o empleyado ng Lungsod,iniaatas ng Ordinansa na walang sinumang opisyal o empleyado ng Lungsod ang puwedeng magtanggal, mag-demote, magsuspinde, o gumawa ng iba pang katulad na hindi nais-nais na pagkilos sa trabaho laban sa ibang opisyal o empleyado ng Lungsod dahil may ginawa ang nasabing indibidwal, nang may mabuting hangarin, na ilang partikular na uri ng pinoprotektahang aktibidad. Inilalarawan ng Ordinansa ang pinoprotektahang aktibidad sa kontekstong ito bilang:
- Paghahain ng reklamo para sa imbestigasyon sa Programa sa Whistleblower ng Tanggapan ng Controller, Komisyon sa Etika, Abugado ng Distrito, Abugado ng Lungsod, o departamento ng nagrereklamo na nagpaparatang na nakibahagi ang isang opisyal o empleyado ng Lungsod sa hindi naaangkop na aktibidad ng pamahalaan, na ginamit ang pondo ng Lungsod sa maling paraan, na nagkaroon ng kakulangan sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan o naging maaksaya o hindi mahusay ang mga kasanayan ng pamahalaan, o na nakibahagi ang isang contractor ng Lungsod o ang empleyado ng isang contractor ng Lungsod sa aktibidad na labag sa batas kaugnay ng isang kontrata sa Lungsod;
- Pagsubok na maghain ng reklamong gaya sa inilarawan sa itaas pero, nang may mabuting hangarin, nagkamali at hindi naihain ang reklamo sa naaangkop na departamento o opisyal ng Lungsod; o
- Pagbibigay ng anumang impormasyong may koneksyon o nauugnay sa anumang imbestigasyon ng mga reklamong inilarawan sa itaas.
Paghihiganti sa Isang Contractor ng Lungsod o Empleyado ng Contractor ng Lungsod
Sa usapin ng paghihiganti laban sa isang contractor ng Lungsod o empleyado ng contractor ng Lungsod,iniaatas ng Ordinansa na walang sinumang opisyal o empleyado ng Lungsod ang puwedeng gumawa ng mga hakbang para wakasan ang kontrata sa isang contractor ng Lungsod, tumangging gamitin ang isang contractor ng Lungsod para sa mga kinokontratang serbisyo, humiling na tanggalin, i-demote, o suspindihin ng Lungsod ang isa sa mga empleyado nito, o gumawa ng iba pang katulad na hindi nais-nais na pagkilos laban sa contractor ng Lungsod o empleyado ng contractor ng Lungsod dahil nakibahagi ang nasabing contractor o ang empleyado ng contractor sa ilang partikular na uri ng “pinoprotektahang aktibidad.” Inilalarawan ng Ordinansa ang pinoprotektahang aktibidad sa kontekstong ito bilang:
- Paghahain ng reklamo sa sinumang supervisor sa isang ahensya ng Lungsod na nagpaparatang na nakibahagi ang isang opisyal o empleyado ng Lungsod sa hindi naaangkop na aktibidad ng pamahalaan, na ginamit ang pondo ng Lungsod sa maling paraan, na nagkaroon ng kakulangan sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan, o naging maaksaya o hindi mahusay ang mga kasanayan ng pamahalaan;
- Paghahain ng reklamo sa sinumang supervisor sa isang ahensya ng Lungsod na nagpaparatang na nakibahagi ang isang contractor ng Lungsod, o empleyado ng ibang contractor ng Lungsod, aktibidad na labag sa batas, na ginamit ang pondo ng Lungsod sa maling paraan, na nagkaroon ng kakulangan sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan, o naging maaksaya o hindi mahusay ang mga kasanayan ng pamahalaan; o
- Pagbibigay ng anumang impormasyong may koneksyon o nauugnay sa anumang imbestigasyon ng mga reklamong inilarawan sa itaas.
Pinoprotektahang Aktibidad
Sa konteksto ng opisyal at empleyado ng Lungsod, o contractor ng Lungsod at empleyado ng contractor, tumutukoy ang pinoprotektahang aktibidad sa ilalim ng batas sa pag-uulat sa mga partikular na na-enumerate na uri ng mga isyu, na inilalarawan sa sumusunod na paraan:
- Tumutukoy ang “hindi naaangkop na aktibidad ng pamahalaan” sa paglabag sa anumang batas, regulasyon, o panuntunan ng pederal, estado, o lokal na kinabibilangan ng, pero hindi limitado sa, mga batas, regulasyon, o panuntunang sumasaklaw sa pondo ng kampanya, mga salungatan ng interes, o batas ng etika sa pamahalaan; o pagkilos na nagdudulot ng panganib sa kalusugan o kaligtasan ng publiko dahil hindi nagagawa ng mga opisyal o empleyado ng Lungsod ang mga tungkuling kinakailangan sa kanilang posisyon; pero hindi kasama ang mga pagkilos sa trabaho na may iba pang remedyo;
- Tumutukoy ang “maling paggamit sa pondo ng lungsod” sa anumang paggamit sa pondo ng Lungsod na iba pa sa mga layuning iniaatas ng Lungsod;
- Tumutukoy ang “mga kakulangan sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan” sa hindi pagsasagawa ng isang serbisyo, kapag kinakailangan itong isagawa sa ilalim ng anumang batas, regulasyon, o patakaran, o sa ilalim ng isang kontrata o grant ng Lungsod;
- Tumutukoy ang “maaksaya at hindi mahusay na kasanayan ng pamahalaan ng Lungsod” sa paggasta sa pondo ng Lungsod na puwedeng alisin nang hindi naaapektuhan ang kalusugan o kaligtasan ng publiko, o binabawasan ang kalidad ng mga serbisyo ng pamahalaan; at
- Tumutukoy ang “aktibidad na labag sa batas” sa mga paglabag sa anumang batas, regulasyon, o panuntunan ng pederal, estado, o lokal na kinabibilangan ng, pero hindi limitado sa, mga batas, regulasyon, o panuntunang iyon na sumasaklaw sa pondo ng kampanya, mga salungatan ng interes, o batas ng etika sa pamahalaan; o mga pagkilos na nagdudulot ng panganib sa kalusugan o kaligtasan ng publiko dahil hindi nagagawa ng mga opisyal o empleyado ng Lungsod ang mga tungkuling nasa kontrata sa Lungsod.
Hurisdiksyon ng Komisyon sa Etika
Ang Komisyon sa Etika ay may hurisdiksyon sa pag-iimbestiga ng mga paratang ng paghihiganti bilang tugon sa pinoprotektahang aktibidad na inilarawan sa itaas. Ang Komisyon ay walang hurisdiksyon sa pag-iimbestiga ng mga paratang ng paghihiganti na ginawa bilang tugon sa isang reklamong hindi saklaw ng mga partikular na na-enumerate na kategoryang ito. Halimbawa, kapag naharap ang isang empleyado sa paghihiganti bilang tugon sa isang reklamong inihain niya na nagpaparatang ng panliligalig o diskriminasyon sa lugar ng trabaho, ang dibisyon ng Patas na Oportunidad sa Trabaho (Equal Employment Opportunity, EEO) sa Departamento ng Human Resources ng Lungsod ang may hurisdiksyon sa pag-iimbestiga ng mga paratang ng anumang resultang paghihiganti.
Ang isa pang kinakailangan para mapanatili ng Komisyon sa Etika ang hurisdiksyon nito sa isang reklamo ay dapat inihain ito hindi hihigit sa dalawang taon pagkalipas ng petsa ng pinaghihinalaang paghihiganti.
Maghain ng Reklamo
Para maghain ng reklamo kaugnay ng pinaghihinalaang paghihiganti, punan ang aming Form para sa Reklamo o tumawag sa Komisyon at hilinging makipag-usap sa isang naka-duty na imbestigador.
Para maghain ng reklamo kaugnay ng paratang na nakibahagi ang isang opisyal o empleyado ng Lungsod sa hindi naaangkop na aktibidad ng pamahalaan, na ginamit ang pondo ng Lungsod sa maling paraan, na nagkaroon ng kakulangan sa kalidad at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan o naging maaksaya o hindi mahusay ang mga kasanayan ng pamahalaan, o na nakibahagi ang isang contractor ng Lungsod o ang empleyado ng isang contractor ng Lungsod sa aktibidad na labag sa batas kaugnay ng isang kontrata sa Lungsod, makipag-ugnayan sa Programa sa Whistleblower ng Tanggapan ng Controller.
Pagpapatunay sa Paghihiganti
Para patunayan ang isang kaso ng paghihiganti, dapat ipakita ng Komisyon sa Etika sa pamamagitan ng ebidensya na naging malaking salik ang pakikibahagi ng nagrereklamo sa pinoprotektahang aktibidad sa hindi kanais-nais na pagkilos sa trabaho. Puwedeng i-rebute ng respondent ang claim na ito kung maipapakita niya sa pamamagitan ng ebidensya na ganoon pa rin ang gagawin niyang pagkilos sa trabaho kahit hindi nakibahagi ang nagrereklamo sa pinoprotektahang aktibidad.
Mga Available na Remedyo
Kung mapag-aalaman ng Komisyon na pinaghigantihan ng isang opisyal o empleyado ng Lungsod ang isa pang opisyal o empleyado ng Lungsod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng hindi kanais-nais na pagkilos sa trabaho pagkatapos niyang malamang nakibahagi ang empleyado sa pinoprotektahang aktibidad, puwedeng gawin ng Komisyon ang mga sumusunod:
- Mag-assess ng pang-administratibong multa na nagkakahalaga ng $5,000 laban sa opisyal o empleyado ng Lungsod na gumawa sa hindi kanais-nais na pagkilos sa trabaho;
- Irekomendang kanselahin ang mapaghiganting pagtatanggal, pag-demote, pagsuspinde, o iba pang hindi kanais-nais na pagkilos sa trabaho, alinsunod sa mga probisyon sa badyet at sibil na serbisyo ng Charter;
- Sa ilang partikular na sitwasyon, idulog ang usapin sa Komisyon sa Sibil na Serbisyo para sa mga pandisiplinang paglilitis sa ilalim ng Seksyon A8.341 ng Charter.
Bukod sa mga remedyong ito, magagawa ng sinumang opisyal o empleyado ng Lungsod na naghihinalang pinaghigantihan siya na maghain ng sibil na kaso laban sa opisyal o empleyado ng lungsod na gumawa sa hindi kanais-nais na pagkilos sa trabaho. Sa ilalim ng Ordinansa ng Proteksyon sa Whistleblower, puwedeng magpataw ang hukuman sa paglilitis ng California ng sibil na multang nagkakahalaga ng hanggang $10,000.
Kung mapag-aalaman ng Komisyon na pinaghigantihan ng isang opisyal o empleyado ng Lungsod ang isang contractor ng Lungsod o empleyado ng contractor ng Lungsod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng hindi kanais-nais na pagkilos pagkatapos niyang malamang nakibahagi ang contractor o empleyado ng contractor sa pinoprotektahang aktibidad, puwedeng gawin ng Komisyon ang mga sumusunod:
- Mag-assess ng pang-administratibong multa na nagkakahalaga ng $5,000 laban sa opisyal o empleyado ng Lungsod na gumawa sa hindi kanais-nais na pagkilos;
- Iatas na kanselahin ang mapaghiganting hindi kanais-nais na pagkilos laban sa contractor ng Lungsod o empleyado ng contractor ng Lungsod, alinsunod sa mga probisyon sa badyet at sibil na serbisyo ng Charter;
- Sa ilang partikular na sitwasyon, idulog ang usapin sa Komisyon sa Sibil na Serbisyo para sa mga pandisiplinang paglilitis sa ilalim ng Seksyon A8.341 ng Charter.